Thursday, April 30, 2009

Azadi Monument or Freedom Square


Azadi monument, paglabas ng Merhabad airport sa tehran ito agad ang nakita ko at ipinaliwanag ng ama ng kaibigan ko na ito ang freedom square. Dali dali akong kumuha ng larawan para naman may ala-ala bagamat madalas ko itong nadadaanan kapag namamasyal sa down town Tehran iba na rin iyong may larawan. Para sa akin maganda ang Tehran at malayo ang Metro Manila.

Asaluyeh Marker




Tuwing magagawi ako sa bayan ng Asaluyeh pinagmamasdan ko ang bangkang nasa larawan na ginawa nilang marker, ganito rin ang una kong nakita sa Bushehr noong lumapag ang eroplano na sinakyan ko. Ang Asaluyeh ay maliit na bayan na sakop ng probinsya ng Bushehr. Ngunit halos tatlong oras ang biyahe mula sa paliparang ng Bushehr hanggang makarating sa Asaluyeh, Ang isa pang bayan na dinadaanan ay ang bayan ng Kangan.

Ang isa pang larawan ay kuha sa breakwater kung saan dumadaong ang mga malalaking bangka na pangisda ng mga taga- Asaluyeh. Sa tabing pampang ay mga naglalarong bata dahil may maliit na parke dito. Kukunan ko sana ng mga larawan kaya lang nasita ako ng pulis na nagbabantay dahil bawal daw magkuha-kuha ng larawan buti na lang mabait iyong pulis.

Napakagandang tanawin


Gustong-gusto ko ang magandang tanawin sa dagat ng persia, bukod sa malinaw ang tubig, walang gaanong alon at napakalinis, Sana ang dagat sa metro manila ay tulad din ng dagat ng persia para magandang pasyalan at hindi mabaho tulad ng Manila bay. Minsan nakakalungkot isipin at ikumpara ang ating likas na yaman sa ibang bansa dahil tayo mismo ang nagsasamantala sa ating kapaligiran at kapag pinuna ng dayuhan agad-agad tayong nagrereact at hirap tayong tanggapin ang katotohanan na totoo ang sinasabi ng ibang tao dahil marami sa ating mga pilipino ang nagbubulag-bulagan.

Wednesday, April 29, 2009

Catholic Church in Tehran



Ang simbahan sa larawan ay matatagpuan sa Tehran , kahit mahigpit sa usaping panrelihiyon sa bansang ito pinapayagan naman nila ang ibang paniniwala kaya lang nakakaranas pa rin ng persekusyon lalo na mula sa mga panatikong muslim.

Kadalasan ang mga pari dito ay mula sa ibang bansa tulad ng paring Pranses na nagbigay sa akin ng misalette at key chain ni Pope John Paul at pilak na rosaryo. Marami din Hudyo dito sa Tehran ganun din ang Zoroaster, Bagama't meron Bahai mahigpit nilang itinatago ang kanilang paniniwala dahil tiyak kamatayan kapag nahuli sila na nagpapraktis ng paniniwala nila.

Libingan ni Khomeini




Ang nasa larawan ay ang libingan ni Imam Ali Khomeini, napakalaki at mukhang masjid. Grabe ang paggalang ng mga konsrbatibong iranian kay Iman Ali dahil siya ang puno ng 1979 rebulusyon kung saan napaalis sa puwesto ang Sha na sinusupurtahang ng US. Sa panahon din na iyon naganap ang mahigit isang taon na hostage crisis sa embahada ng america sa Tehran.

Rebulto



Hindi ko kilala kung sino ang rebultong ito basta kinunan ko na lang ito ng larawan habang nakasakay ako sa kotse , Ganito ang estilo ko kapag kumukuha ng larawan kasi natatakot akong makita ng pulis baka mabasag ang aking digi - cam. Maganda ang Tehran nasa ayos ang mga kalsada ganun din ang fly over , marami din punong kahoy at may mga basurahan sa bawat kanto.

Ang Asaluyeh sa Ibabaw ng Eroplano



Ganito ang tanawin mula sa bintana ng eroplano sa ibaba ng lupain ng Asaluyeh, tigang na tigang ang kalupaan at kung titingnan parang walang mabubuhay na halaman. Ngunit maraming nagtatanim ng mga kamatis at iba pang mga gulayin dito. Sagana din ang lugar na ito sa mga prutas tulad ng pakwan, melon, Tamar at iba pa. Dito mo makikita na kahit ang kanilang lugar ay tigang at napakahaba ng tag-araw at may pinakamataas ng temperatura kung saan umaabot ng 56 degree at may mahabang araw kung saan kung tag-araw ang alas siete ng gabi ay parang alas kuwatro ng hapon ang liwanag.

Palengke

Ganito ang palengke dito sa Asaluyeh, simple lang hindi gaanong siksikan, Ang ginagamit din nilang timbangan ay makaluma pa kung saan kailangan nilang may pabigat para makuha ang tamang timbang ng kinikilong isda o ano pa man.
Patago lang ng pagkuha ko ng larawan dahil tulad sa arab countries bawal din ang pagkuha ng larawan kapag walang pahintulot sa kinukunan. Katabi ng mga tindahan ng isda ang tindahan ng mga gulay at prutas kung saan paborito kong bilhin ay pakwan at at kiwi

Tuesday, April 28, 2009

Tanawin noon Mahal na Araw




Ang nasa lawaran ay kuha ko sa mga
nagpepenitensya sa aming bayan sa Bicol. Kakaiba ito sa mga ibang penitensya sa ibang panig ng Pilipinas dahil higit na masakit at malayo ang kanilang nilalakbay bukod sa paghampas sa likod na puno ng hiwa ng blade nang kadena, pagpapalo sa pigi na halos umaabot ng limandaan beses sa bawat istasyon, ang paggapang sa mainit na kalsada at pagpasan ng mabigat na krus.

Hindi ako naniniwala sa ganitong pagpapahirap sa sarili ganun din sa tamang petsa ng kamatayan ni Hesus dahil ayon sa kasaysayan ang pagdiriwang ng mahal na araw ng Kristiyano ay ibinabase sa ikaapat na pagbilog ng buwan nang taon hindi sa eksaktong petsa at buwan kung kailan namatay si Hesus kaya walang permanente ang Mahal na Araw ng Kristiyano. Ngunit natutuwa naman akong manood at kuhanan sila ng mga video at larawan. Naalala ko noong may nagpapapako pa sa krus habang nakatayo ang krus. sinigawan ko, "dapat sibatin din iyan tulad noong ginawa kay Hesus" tinginan sa akin ang mga nanood sabay tawanan. Ngayon tapos na daw iyong panata noong taong nagpapanata kaya naputol na ang tanawin na iyon.